Region

ANTI-RADIATION GLASSES SA MGA MAG-AARAL SA GENERAL TRIAS, CAVITE

/ 30 September 2020

SA HALIP na laptop tables, anti-radiation glasses  ang ipamamahagi ng Barangay Santiago sa General Trias, Cavite para gamitin ng mga estudyante sa online classes.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Sangguniang Kabataan Chairman Ranjay Santor na makukuha ito ng mga estudyanteng may edad 15 hanggang 30 sa kanilang barangay.

“Ito ay kapaki-pakinabang sa mga estudyanteng may online classes para maingatan ang kanilang mga mata laban sa nakasasamang radiation rays mula sa mga electronic gadget,” sabi pa niya.

Ang anti-radiation glasses ay may tinatawag na ‘advanced vacuum plating technology’ na nagbibigay kakayahan  sa salamin na mapigilan ang pagpasok ng ‘electromagnetic radiation’ sa mga mata.

Sa pamamagitan nito ay maiiwasan ang pagsakit ng ulo, fatigue at dryness sa mata na maaaring idulot ng electronic gadgets.

Kailangan lamang magdala ang mga estudyante ng ID o registration form o kahit anong magpapatunay na sila ay enrolled sa akademikong taong 2020-2021.

Tiniyak naman ng SK na ipatutupad nila  ang social distancing at susunod sa health protocols.