AGRI STUDENT SA ISABELA PATAY SA PAMAMARIL
PATULOY ang imbestigasyon ng Isabela Police sa motibo ng pagpaslang sa isang 19-anyos na lalaking estudyante sa Cabagan, Isabela.
Kinilala ni PMaj. Rodante Albano, hepe ng PNP Cabagan, ang biktima na si Anthony Camaggay, 2nd year college at kumukuha ng kursong BS Agriculture Technology sa Isabela State University-Cabagan Campus.
Lumitaw sa imbestigasyon na nagbibisikleta si Camaggay sa Barangay Ugad sa nasabing bayan nang pagbabarilin ng dalawang lalaki na naka-helmet lulan ng motorsiklo.
Limang bala ang lumagos sa kamay at ulo ng estudyante na sanhi ng kanyang dagliang kamatayan.
Samantala, nabatid na noong Mayo 16 ay binaril na rin ng riding in tandem ang biktima sa Barangay Calamagui, San Pablo subalit hindi napuruhan.
Sa kuha ng closed circuit television sa naturang bigong pagbaril ay nadiskubre na magkaistilo ang riding in tandem na pumuntirya kay Camaggayan.
Sinabi naman ng pamilya ng estudyante na wala silang alam na may kaaway ang biktima.