AGRI PRODUCTS PAMBAYAD SA TUITION APRUB SA PANPACIFIC U
BILANG bahagi ng layuning makatulong para makatapos sa pag-aaral ang kanilang mga estudyante, tinatanggap ng Panpacific University sa Pangasinan ang mga aning gulay, bigas o manok bilang pambayad sa tuition.
Ito ang inihayag ni Prof. Engelbert Pasag, Ph.D, chief operating officer ng Panpacific U, sa isang panayam.
Ayon kay Pasag, kahit noon pang 1993, kung kailan nagsimula ang unibersidad na mag-alok ng degree programs sa maritime education, pharmacy, nursing, atcriminology, tinatanggap na nila ang mga agricultural product kung walang pambayad ang mga magulang ng mga estudyante.
Ikinagalak naman ni Prof. Rhonda Padilla, Ph.D., university president, na ang mga estudyanteng dumaan sa ganoong pagsubok ay naging matagumpay sa buhay.
Sa katunayan, mayroon nang kapitan ng barko sa mga estudyante na dumaan sa kahalintulad na pamamaraan para lamang makatapos ng pag-aaral.
Ang PU ay ginawaran ng QS 3 star rating kaya naman matagumpay na napasok nito ang international academe.
Sa pagsulong ng unibersidad na may dalawang campus sa Urdaneta City at Tayug, ang pinakabagong kurso na kanilang alok ay Mass Communications.
“Ang good news, libre ang pag-aaral ng unang batch, o bahagi sila ng aming scholarship program,” ayon kay Prof. Pasag.