AFP NAALARMA SA PAGDAMI NG SUICIDE BOMBER; MINDANAO SCHOOLS BANTAY SARADO
ISA sa mahalagang estratehiya ng Armed Forces of the Philippines sa paglaban sa terorismo sa bansa ay ang mapigilan ang recruitment ng mga terorista sa mga kabataan.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Gilbert Gapay, nakipag-ugnayan na sila sa Department of Education, sa mga eskuwelahan sa Mindanao, local government unita at iba pang kinauukulang ahensiya para mapigilan ang ginagawang pagre- recruit ng grupo ng mga terorista sa bansa.
Bukod dito, may estratehiya na rin silang ginagawa para hindi rin ma-recruit ang mga residente ng Mindanao at hindi makalabas-masok sa bansa ang mga foreign terrorist.
Sinabi ni Gapay na nababahala sila sa pagdami ng mga suicide bomber sa bansa lalo’t may mga Filipino na sinasanay ang mga foreign terrorist para maging suicide bomber.
Matatandang taong 2019 nang kumpirmahin ng AFP na sa kauna-unahang pagkakataon ay isang Pinoy ang nagsilbing suicide bomber, sa katauhan ni Norman Lasuca, sa Indanan, Sulu na ikinamatay ng walo katao, kabilang ang tatlong sundalo, dalawang bombers, habang 12 iba pa ang nasugatan.