Region

ABRA SIST MANGUNGUNA SA LOCAL PRODUCTION NG FACE MASKS

/ 16 October 2020

MAGSISIMULA nang magprodyus  ng  locally made face masks ang Abra State Institute of Sciences and Technology – Extension and Training Services para sa mga frontliner ng Abra laban sa Covid19.

Ayon kay Project Coordinator Jude Mark Tejero, ang mga face mask ay gagawin gamit ang dekalidad na Abel textile mula sa bayan ng La Paz, isang kilalang tagapag-export at prodyuser ng naturang tela sa buong lalawigan.

Abel ang gagamiting base material sapagkat napatunayan ng mga eksperimento sa ASIST na mabisa itong pananggalang sa mga water particle na maaaring pagsimulan ng virus. Mas matibay rin umano ito kumpara sa mga pangkaraniwang washable face mask na nabibili sa mga tindahan.

Mga mag-aaral at alumni ng kursong Home Technology ang mangunguna sa produksiyon. Bukod sa mga guro at mag-aaral, ang mga frontliner ng mga bayan ng Bucay, Dolores, Lagangilang, Tayum, at San Juan ang unang makatatanggap ng munting tulong.

Ayon kay ASIST Director Dr. Zarina Orejudos, dahil ito’y isang lokal na produksiyong pagbibidahan ng isang lokal na materyales, 100 porsiyento itong popondohan ng Commission on Higher Education.

Sinabi ni Orejudos na munting pasasalamat ito ng ASIST sa mga walang sawang pag-aalay ng buhay ng mga medical frontliner ng Abra at ng buong bansa.

Gayundin, isang malaking tulong ang produksiyon upang makilala pa ang lalawigan sa telang Abel na labis nilang ipinagmamalaki.