9 EX-REBELS SA NEGROS ORIENTAL PINAG-ARAL SA ALS
SIYAM na dati umanong miyembro ng Community Party of the Philippines, New Peoples Army, at National Democratic Front ang nag-enrol sa Alternative Learning System sa Kampo Tirambulo sa Bgy. McKinley, Guihulngan, Negros Oriental.
Ayon kay Capt. Raymond Jamisal ng 62nd Philippine Army Infantry Battalion, ang siyam ay sumuko noong nakaraang taon. Para mabigyan sila ng bagong buhay at pag-asa, minabuti nilang sila ay pag-enrolin sa ALS sa loob ng 10 buwan.
Mas mabilis umano silang makahahanap ng oportunidad sa hanapbuhay kung magtatapos ng sekundaryang edukasyon, at higit na mainam kung sila’y makapagkokolehiyo rin.
“The enrollees will have to pass the ALS accreditation and equivalency test for them to qualify for a higher level of education and any job opportunities,” sabi ni Jamisal.
Simula noong Enero, ang mga susukong rebelde ay pag-aaralin ng Guihulngan City Task Force to End Local Communist Armed Conflict bilang bahagi ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program.
Hotspot kung ituring ang lungsod ng Guihulngan sapagkat maraming teroristang grupo ang nakakaharap dito ng hukbong sandatahan.