8 PAARALAN SA ROXAS, PALAWAN KINABITAN NG LIBRENG WIFI
WALONG pampublikong paaralan at isang barangay hall sa lungsod ng Roxas sa Palawan ang kinabitan ng mga bago at libreng WiFi modem noong Oktubre 1.
Ang naturang proyekto ay hatid ng Department of Information and Communications Technology, sa pakikipagtulungan ng United Nations Development Programme.
Ito ay naaayon sa Sustainable Development Goal #4: Quality Education, gayundin bilang pagkilala na ang akses sa internet at sa mga pampublikong impormasyon ay batayang karapatan ng bawat mamamayan.
Napapanahon din ang pagkakabit ng WiFi sapagkat magbubukas na ang bagong taong pampanuruan sa darating na Lunes, Oktubre 5.
Bagaman Modular Distance Learning ang modalidad na uutilisahin ng Department of Education sa lalawigan ng Palawan ay mainam pa ring sa sandaling kailanganin ng mga mag-aaral ang dagling koneksiyon ay mayroon silang masasagapan at mapupuntahan.
Kasama ng barangay hall ng Caramay ang mga Mababang Paaralan ng Bagong Silang, Candelaria, Ibangan, Matalangao, RAE, New Cuyo, Tulariquen, at Mataas na Paaralan ng Nicanor Zabala sa mga mapalad na napabilang sa nasabing proyekto.
Bawat mag-aaral ay mayroong allotment na 150mb data capacity na maaaring maakses hanggang sa 100 metro mula sa lokasyon ng bawat WiFi modem.