7 GURO NA NAKALIGTAS SA SEA TRAGEDY INAYUDAHAN NG DEPED
LABIS ang pasasalamat ng pitong guro sa pagkakaligtas sa kanila mula sa sea tragedy sa Sorsogon kamakailan.
Ang pitong guro, kabilang ang dalawang volunteer teachers ng Hubo Elementary School sa bayan ng Magallanes, ay maayos na ang lagay at nagsisimula nang magturo ulit makaraang makaligtas sa nasabing sakuna noong Mayo 3.
Patungo sana ang mga ito sa nabanggit na paaralan para sa kanilang gagamitin sa pagtuturo nang lumubog ang sinasakyan nilang bangka makaraang hampasin ng malakas na alon ng karagatan.
Nakarating ang insidente kay Education Secretary Leonor Briones na agad na nagkaloob ng tulong sa mga biktima.
Kinumpirma ng kalihim na binigyan ng financial assistance at psychosocial support ng kanilang field office sa lalawigan ang pitong teachers dulot ng naranasan nilang physical at emotional trauma.
Bukod dito, sinabi ni Briones na handa ring palitan ng Schools Division Office ang mga nasira o nawalang equipment ng mga guro at binigyan din sila ng sapat na leave credits upang tuluyang makarekober sa trahedya.