Region

64 PDLs SA PALAWAN SINANAY SA BASIC FIRST AID

/ 22 March 2025

SUMAILALIM sa Basic First Aid training ang kabuuang 64 persons deprived of liberty (PDLs) sa Bureau of Jail Management and Penology-Brookes Point District Jail noong Huwebes na pinangunahan ng Bureau of Fire Protection bilang bahagi ng inisyatiba nito para mapahusay ang kahandaan at kaligtasan ng publiko.

Ayon sa ulat ni BJMP Mimaropa information officer Jail Officer 3 Joefrie Anglo, binibigyang-diin ng BJMP ang pangangailangang maging handa ang jail community sa anumang sakuna, natural man o gawa ng tao, upang maiwasan o mabawasan ang mga epekto nito.

“Kung ang mga PDLs sa loob ng jail facilities ay may sapat na kaalaman sa first aid, maaari silang makatugon sa kanilang mga kapwa PDL kung sakaling magkaroon ng emergency. Mahalaga para sa mga tulad nila na mabigyan ng kasanayan kung paano magligtas ng mga buhay,” pahayag ni Anglo.

Ang mga nagsipaglahok na PDLs ay tinuruan kung paano tukuyin ang pinakamahalagang aksiyon na maaari nilang gawin sa panahon ng isang emergency, gayon din ang tamang paraan ng pagbenda, kung paano gumawa ng splint at kung paano maayos na dalhin ang isang pasyente sa panahon ng sakuna.

Isa sa mga PDL na nagsanay ay ang 32-anyos na si Michael, isang dating private healthcare worker na nagpahayag ng kanyang pagnanais na ibahagi ang kanyang natutunan sa mga kapwa PDL sa loob ng piitan.

“Natutunan ko kung paano itali ang mga buhol sa paraang tinitiyak na ligtas at maaasahan ang mga ito sa panahon ng mga emergency, tulad ng lindol o sunog,” sabi niya.

Samantala, ayon kay BJMP-BPDJ community relations service officer Jail Officer 1 Nino Marco Dadores, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kanilang tanggapan sa iba’t ibang LGUs at iba pang ahensiya na makatutulong sa capacity building ng mga tauhan at kliyente ng jail facility.