Region

60 GURO BIKTIMA NG CAR LOAN SCAM

/ 11 October 2023

LABIMPITO sa 60 guro mula sa Central Luzon ang nagpasaklolo sa Presidential Anti-Organized Crime Commission makaraang mabiktima ng umano’y car loan scam.

Ayon kay PAOCC Executive Director, Usec Gilbert Cruz, tukoy na nila ang grupo na nahaharap sa kasong carnapping, estafa at falsification of documents habang iniimbestigahan na rin nila ang iba pang kasabwat ng mga ito.

Nabawi rin ng PNP Highway Patrol Group ang mga sasakyan mula sa sindikato ng car loan scam na bumibiktima sa mga guro.

Ayon sa PAOCC, 17 guro na biktima ng scam mula sa anim na pampublikong paaralan sa Pampanga ang nagpasaklolo sa kanila.

Modus operandi ng mga suspek na hikayatin ang mga teacher na mag-apply ng car loan na ipapasok umano sa ride hailing company para magkaroon ng extra income

“Kung ikaw, teacher tuwang-tuwa ka dahil may extra P5,000 or P10,000 ka monthly tapos after a while iniisip mo after 2 years or 3 years bawi ko na ‘yung sasakyan, akin na ‘yung sasakyan,” ayon kay Cruz.

Subalit pagkatapos ng tatlo hanggang anim na buwan, bigla na lang umanong mawawala ang suspek tangay ang kotse na inutang ng guro.

Sinabi ni Cruz na ibinebenta rin ng mga suspek ang mga sasakyan na hinatak dahil hindi natutuloy ang paghuhulog.

“Actually ibinebenta rin nila. So, ito minsan ‘yung nabibili na mga talon na sasakyan. Hindi na tinutuloy ‘yung paghuhulog, so, nagagawan pa rin nila ng paraan na maibenta itong mga sasakyan na ito,” dagdag pa ni Cruz.

Ipinagtataka naman ng isa mga nabiktima na nagpa-blotter sa Balanga, Bataan kung paano naaprubahan ang kanyang loan at na-release ang sasakyan na hindi pa niya nakikita.