6 EX-STUDENTS NA NAMUNDOK SUMUKO SA MILITAR
DAHIL sa pagod sa kabundukan, minabuti ng anim na dating mag-aaral na sumuko na lamang sa militar at mabuhay nang normal.
Inamin ng anim na miyembro ng New People’s Army (NPA) na nakarating sa kanila ang panawagan ng pamahalaan na ibaba ang kanilang mga armas, tamasahin ang programa ng gobyerno at magbalik-loob para sa kanilang mga pamilya.
Ang mga sumuko sa pamahalaan sa San Mariano, Isabela ay sina alyas Junjun, 30-anyos; Ka Onyok, 25; alyas Eugene, 55, pawang mga team leader; alyas Merson, 30, supply officer; alyas Jeffrey, 24; at alyas Bad Boy, 56, miyembro ng Militia ng Bayan.
Aminado ang mga ito na kanilang pinagsisihan ang pamumundok at hindi na nakatapos ng kanilang pag-aaral.
Umaasa sila na hindi pa huli ang lahat sa kanilang pagsuko at tiniyak ang pagbabagong-buhay.
Sinabi ng 5th Infantry (Star) Division Philippine Army na nakabase sa Camp Melchor F. Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela, na ang mga sumukong rebelde ay kabilang sa Regional Sentro De Gravidad (RSDG), Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV).