50 ESTUDYANTE NALASON SA MARUYA NA MAY TAWAS
ISINUGOD sa ospital ang 50 mag-aaral ng isang elementary school sa M’lang sa Cotabato makaraang makakain ng maruyang saging na binudburan ng tawas.
Ayon kay Glecerio Sotea, municipal health officer ng M”lang, pawang mag-aaral ng Palma Perez Elementary School ang mga biktima.
Unang nakaramdam ng pananakit ng tiyan ang mga bata makaraang kumain ng tinatawag na pinaypay, hanggang magsuka, mahilo at manghina ang mga ito.
Sa pagsusuri, sa halip na asukal ay tawas ang ibinudbod sa saging.
Batay sa imbestigasyon, hindi sinasadya ang pagkakabudbod ng tawas.
Pinauwi na rin ang mga estudyante makaraang masuri ng espesyalista habang 15 pa sa mga ito ang inoobserbahan.