Region

50-ANYOS NA NANAY SA ORIENTAL MINDORO PASOK SA ALS NG DEPED

/ 13 November 2020

PINATUNAYAN ng isang nanay sa lalawigan ng Oriental Mindoro na ang edukasyon at pagkatuto ay walang pinipiling panahon, edad o estado.

Sa edad na 50 ay bahagi si Nanay Angelina Mines o mas kilala bilang Baye —tawag sa nakatatandang babae sa tribu ng Hanunuo Mangyan na matatagpuan sa Mansalay Oriental Mindoro— ng programang Alternative Learning System ng Department of Education.

Bagama’t napagtapos na ni Baye ang kanyang tatlong anak sa pag-aaral, siya naman ay nagsisimula pa lang sa pag-abot sa kanyang minimithing tagumpay.

Mayroon mang banta ng pandemya ngayong taon, naging posible pa rin ang pagtupad sa pangarap ng mga ALS learner sa ilalim ng distance learning. Sa Sitio Lamac, modular learning ang gamit na modal ni Baye Anghilina at iba pang ALS learners.

Tuwing Miyerkoles idinaraos ang weekly visitation ng kanilang ALS mobile teacher na si Teacher Odessa Salazar. Sa araw na ito nakatakdang kunin ang mga nasagutan na modules at ipamahagi ang panibagong modules na gagamitin ng mga learner sa buong linggo. Sa tulong ng weekly visitation, higit na naipaliliwanag ni Teacher Odessa ang mga aralin na hindi gaanong nauunawaan ng learners.

Hindi man naging madali ang pag-aaral ni Baye dahil may kalabuan na ang mata dala ng edad, nagsusumikap pa rin ito na aralin at sagutin ang kanyang modules. Kuwento pa ni Baye, kahit minsan hindi niya naranasan na makapag-aral, sa ALS nagsimulang mahasa ang kanyang iba’t ibang abilidad gaya ng pagbasa sa Filipino, lalo na sa ingles.

Kaya upang higit na magabayan pa si Baye at patuloy na mapaningas ang kagustuhan niyang matuto, nagbibigay si Teacher Odesca ng karagdagang reading materials na maaaring pagsanayan ni Baye habang nasa bahay.

Hindi naging hadlang kay Baye ang kanyang edad o maging ang pandemya sa pagpapatuloy ng kanyang pag-aaral, bagkus higit pa itong naging daan upang magsumikap at mag pursige siya na matuto.

“Napakahalaga po sa akin ng pag-aaral dahil iba pa rin po ang may nalalaman, inspirasyon ko po ang mga anak ko na napatapos ko sa pag-aaral at ngayon nais ko naman pong magbigay ng inspirasyon sa mga kabataan na kung akong may edad na ay kinakaya ko, siguradong kaya rin po nila,” dagdag pa niya.