5 RADIO STATIONS ITATAYO NG DEPED PARA SA TARLAC INDIGENOUS PEOPLES
NAIS ng Department of Education na mapalawig pa ang Last Mile Schools Program sa pamamagitan ng pagtatayo ng hindi bababa sa limang community-based radio stations para sa indigenous peoples learners ng lalawigan ng Tarlac.
Kasalukuyang ipinatutupad ng Schools Division Office ng Tarlac ang Project Radio-based Education Assisting Children at Home o Project REACH, isang ‘outsourcing initiative’ na naglalayong maabot ang mga estudyanteng IP sa kanayunan na may kakulangan sa internet signal at gadgets ngayong panahon ng distance learning.
Ayon kay Project Development Officer Omar Dimarucot, limang radio stations ang ninanais ng DepEd para sa limang Last Mile Schools upang patuloy na makapaghatid ng dekalidad na edukasyon sa mga mag-aaral saan mang panig ng probinsya.
“Ang mga paaralang ito ay matatagpuan sa mga lugar kung saan limitado ang signal ng cellular phone at internet at iilan din lamang ang mayroong mobile phones, telebisyon, at radio. Kaya sa ngayon ang kanilang modality ay modular distance learning,” pahayag niya sa isang post sa Facebook.
Nauna nang inilunsad ng DepEd Tarlac ang school-based radio station na DWRY 103FM sa Capas National High School bago pa man magsimula ang klase noong Oktubre 5 kung kaya ngayon, ang isinusulong naman nila’y Project REACH sa paglilikom ng mga donasyon sa pagtatayo ng mas marami pang radio stations.
Nakikita rin nila itong pinakaepektibong paraan upang matulungan ang mga magulang na walang sapat na kakayahang maagapayan ang mga anak sa mga sabjek na inaaral nila sapagkat ipinagbabawal pa rin ang face-to-face classes dulot ng pandemya.
“Ang mga guro ay magsasahimpapawid ng mga lessons na maaring live o recorded upang matulungan ang mga katutubong mag-aaral na mas lalo pang maintindihan ang kanilang mga aralin at matutuhan ang mga most essential learning competencies,” sabi pa ni Dimarucot.