4,750 SHS STUDENTS SA KORONADAL CITY MAY LIBRENG GADGETS
NAKALATAG na ang pamamahagi ng learning gadgets ng Koronadal City government para sa senior high school students sa lungsod para sa susunod na pagbubukas ng klase.
Sinabi ni Mayor Eliordo Ogena na ang hakbang ay upang maalalayan ang mga mag-aaral sa online learning.
Bahagi rin ito ng kampanya ng lokal na pamahalaan na mahikayat ang mga kabataan na mag-enrol sa susunod na taon.
Tiniyak naman ni Ogena na nasa kanila na ang unang batch ng 1,600 Lenovo Tab M8 Android tablets na binili ng kanyang tanggapan para sa SHS students ng public schools sa lungsod.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang nila ang delivery ng 3,150 dagdag na tablets, na ipamamahagi sa pagbubukas ng School Year 2021-2022.
“This will help our students in their online classes and in accessing the internet to get additional information for their studies,” pahayag ni Ogena.