43 STUDES, 7 GURO NAHULOG SA HANGING BRIDGE
LIMAMPUNG katao, na kinabibilangan ng 43 estudyante at pitong guro, ang nahulog sa hanging bridge makaraang bumigay ang naturang tulay sa Alfonso Casteñeda, Nueva Vizcaya.
Ayon kay PMaj. Glanery Cabeliza, hepe ng Alfonso Castañeda Police Station, tumatawid mula sa Sitio ang mga guro at estudyante mula sa Abuyo National High School para sa kanilang intramurals nang maganap ang insidente.
Tatlo sa mga biktima na kinabibilangan ng dalawang babae at isang lalaki ang dinala sa pagamutan matapos na makaranas ng pananakit ng katawan, dibdib, pagkahilo at pagduduwal.
Habang ang iba ay dinala sa Rural Health Unit para masuri ang kanilang kalagayan ngunit sila ay pinauwi rin matapos na makitang maayos ang kanilang kalagayab.
Ayon kay Cabeliza, gawa sa tali ang tulay at mayroon na rin itong katagalan at dahil sabay-sabay na tumawid ang mga biktima ay hindi na kinaya ng hanging bridge ang bigat ng mga ito kaya ito bumigay.
Tinatayang nasa tatlo hanggang apat na metro ang taas ng bumigay na tulay kung saan bumagsak ang mga biktima sa buhangin at bato dahil nasa dulo na ang mga ito nang tuluyang nasira ang hanging bridge.