Region

400 ESTUDYANTE LUMAHOK SA INFO DRIVE VS TERORISMO

/ 18 March 2023

NASA 400 estudyante ng Baras-Baras National High School sa Nueva Ecija ang lumahok sa Information Awareness Drive kontra terorismo na ginanap sa covered court ng nasabing paaralan nito lamang Marso 10.

Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ng Situational Awareness and Knowledge Management Cluster ng ELCAC Region-3, katuwang ang 3rd Mechanized Infantry Battalion, sa pakikipagtulungan ng pamunuan ng nasabing paraalan. Ito ay naglalayong mabigyan ang mga mag-aaral ng tama at totoong impormasyon hinggil sa panlilinlang ng mga terorista sa hanay ng mga kabataan.

Nagpasalamat si Mamerto L. Ragel, ang principal ng Baras-Baras National High School, sa kaalaman na naibahagi ng SAKM Cluster at ng kasundaluhan sa kanilang mga mag-aaral.

“Kami ay nagpapasalamat sa inyong pagbibigay ng bago at makabuluhang impormasyon sa ating mga kabataang mag-aaral. Malaking tulong ito upang maintindihan nila ang kanilang mga tungkulin bilang isang kabataan at upang sila ay makaiwas sa mapanlinlang na teroristang grupo,” sabi ni Ragel.

Nagpasalamat din si Abegail Payaoan, isa sa mga mag-aaral ng nasabing paaralan, sa ginawang aktibidad.

“Nagpapasalamat ako sa mga tumulong upang maisagawa ang aktibidad na ito. Ito ay nagbigay sa amin ng sapat na kaalaman at kaliwanagan lalo na sa terorismo. Amin ding ibabahagi ito sa mga kapwa naming mag-aaral at magagamit din sa aming kapakanan,” ani Payaoan.

Ipinaabot naman ni Lieutenant Colonel Jeszer M. Bautista, ang pinuno ng 3rd Mech Bn, sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si 1LT Jefferson V. Tungpalan, ang Civil-Military Operations Officer ng yunit, ang kahalagahan ng pagbibigay ng mga makabuluhang impormasyon sa mga kabataan.

“Ginagawa namin ito upang wala nang kabataan ang malinlang at mag-armas dito sa Probinsya ng Tarlac. Kung kailangan naming isa-isahin ang bawat paaralan upang mabigyan ng tamang impormasyon ang mga kabataan,gagawin namin upang wala nang kabataan ang malinlang at wala nang magulang ang magdadalamhati dahil narekrut ng mga terorista ang kanilang mga anak”, ani Lt. Colonel Bautista.

Samantala, pinuri ni Major General Andrew D. Costelo, pinuno ng 7th Infantry (Kaugnay) Division, Philippine Army ang patuloy na suporta ng sektor ng edukasyon sa mga programa ng gobyerno na nagbibigay ng impormasyon ukol sa kung paano nanlilinlang ang teroristang grupo at kung paano ito maiiwasan at maging wais na kabataan.

“Sa kabataan, maging mapanuri kayo sa inyong sasalihang organisasyon dahil mayroong mga grupong ang layunin hindi maganda na ikakasama sa inyong kinabukasan. Patuloy kayong maging mapagmatyag at maging maalam sa mga di kanais nais na dulot ng terorismo,” ayon kay Maj. Gen. Costelo.