4-STOREY SCHOOL BUILDING SA MARAWI PINASINAYAAN
PINASINAYAAN kamakailan ang 1-unit, 4-storey, 20-classroom school building ng Marawi Integrated School sa Barangay Moncado-Kadingilan sa Marawi City, Lanao Del Sur.
Pinangunahan nina Department of Education Undersecretary Alain Del Pascua at Task Force Bangon Marawi Chairman Secretary Eduardo Del Rosario ang inagurasyon ng nasabing gusali.
Isa lamang ang nasabing gusali sa 10 school buildings na ipinatatayo ng pamahaalan sa ‘most affected areas’. Ito rin ang magiging paaralan ng mga learner sa buong Marawi City.
Nagbigay ng suhestiyon si Usec. Pascua para sa mga itinatayong gusali katulad ng pagkakaroon ng connecting bridges sa mga gusali upang maging mas accessible ito sa mga guro at mag-aaral, at ang paglalagay ng bakod sa buong paaralan.
Pinasalamatan din niya ang DPWH, TFBM, lokal na pamahalaan, partners, at stakeholders sa pagbibigay ng suporta at pagbabayanihan para sa muling pagbangon ng sektor ng edukasyon at sa tuloy-tuloy na pagkatuto ng mga mag-aaral sa Marawi.
Kasama sa mga dumalo sa inagurasyon sina DRRMS Director Ronilda Co, DPWH Regional Director Lilibeth Aparecio, District Engineer Omar Diron, TFBM Focal Person Engr. Mikunug Macabantog, at Marawi City Mayor Majul Gandamira.