4 NA BUWANG SAHOD NG MGA GURO SA MAGUINDANAO IBINIGAY NA
IBINIGAY na ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao – Ministry of Basic, Higher, and Technical Education ang apat na buwang sahod ng mga bagong empleyong guro sa Schools Division Offices ng Maguindanao.
Sahod ng 1,104 Teachers I at II ang ibinigay ng pamahalaan kung saan nitong Oktubre 14-16 idineposito ang para sa 538 guro ng Maguindanao I habang Oktubre 19-21 naman ang para sa 566 guro ng Maguindanao II.
Bukod dito’y binigyan din ng BARMM – MBHTE ng P4,000 cash allowance ang lahat ng mga bagong guro. Maaari nila itong magamit bilang panustos sa mas maraming kahingian ng distance at modular learning modality sa panahon ng krisis pangkalusugan.
Magugunitang nagkaroon ng delay sa sahod ng mga guro magmula nang maghigpit ang lalawigan sa on-site work reporting at itinaas ang community quarantine sa probinsya.
Mensahe ni Education Minister Mohagher Iqbal sa mga guro, “Magturo tayo nang mabuti; ala-gaan natin ang mga kabataan, at itaas natin ang kalidad ng edukasyon dito sa Bangsamoro.”
Paniniguro rin niyang lahat ay kanilang ginagawa upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga guro, mag-aaral, at mga magulang. Hindi rin umano sila napapagal na mag-isip ng iba’t ibang mekanismo upang lahat ng mga mamamayan sa Maguindanao at sa buong rehiyon ay maka-pag-aral.
Ipinabatid din niya na magbubukas ng 3,000 teaching position items ang BARMM sa susunod na buwan para pag-ibayuhin pa ang sektor ng edukasyon.
Magsisimula ang pag-eempleyo ng mga karagdagang guro sa lalawigan ng Tawi-Tawi at Basilan na susundan ng Sulu at Lanao del Sur.
Luluwagan nila nang kaunti ang kahingian para sa mga gurong hindi pa nakakukuha ng licensure examination dahil sa pandemya, bagaman hinihikayat nilang sila’y magsulit kapag may bago nang iskedyul sa Professional Regulation Commission upang ang istatus na provisional ay mag-ing permanente na kaagad.