Region

39 FUTURE, 7 NEW DOCTORS ISKOLAR NG SOUTHERN LEYTE

/ 19 December 2020

PATULOY ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Timog Leyte sa mga residente nitong nagnanais maging doktor sa pamamagitan ng pagbibigay ng medical scholarship programs.

Sa kasalukuyan ay mayroon silang 46 iskolar, kung saan 39 rito ay kasalukuyang nag-aaral ng kursong medikal at pito ay lisensiyadong doktor na nakaenrol para sa kanilang espesyalisasyon.

Ayon kay Sil Toledo, head ng Hospital Economic Enterprise Board, ang mga iskolar ng Timog Leyte ay nag-aaral ng medisina sa Cebu at Tacloban.

Sila ay nagmula sa mga lungsod ng Maasin (20), Sogod (6), Liloan (3), San Ricardo (3), San Juan (2), San Francisco (2), at mga bayan ng Anawahan, Bontoc, Hinunangan, Libagon, Limasawa, Macrohon, Malitbog, Pintuyan, Silago, at Tomas Oppus.

Ang naturang medical scholarship program ay sinimulang ipatupad noong 2015, sa pamumuno ni noo’y gobernador at ngayo’y  Congressman Roger Mercado. Tugon ito ng pamahalaan sa kakulangan ng mga doktor sa lalawigan at sa Filipinas.

Mas tumingkad ang kalahagahan ng iskolarsyip ngayong panahon ng pandemya sapagkat labis na nangangailangan ng mga manggagamot na pupuksa sa nakamamatay na sakit.

Bunsod nito ay naglaan si Gov. Damian Mercado ng P10 milyong budget upang tustusan ang lahat ng pangangailangang akademiko ng 46 na iskolar.

Ang pitong bagong doktor ay naglilingkod na ngayon sa mga pampublikong ospital, kasama ang hanay ng mga frontliner sa panahon ng pandemya.

Sila ay sina Dr. John Lesgard Gonzalez, Dr. Regina Valdez, Dr. Reggie Niko Flores, Dr. Paula Elisha Cutamora, Dr. Lanie Mae Golde, Dr. Steve Aldrich Guias, at Dr. Lester Clerigo.

Pangako ng pamahalaan na ipagpapatuloy nila ang naturang iskolarsyip at sisikaping masuportahan tuwina ang pangarap ng mga residenteng maglingkod bilang mga doktor ng bayan.