Region

38 CICL SA TANAUAN PINAG-AARAL NG DEPED, DSWD

/ 6 December 2020

TATLUMPU’T walong  children in conflict with the law sa Tanauan, Leyte ang inienrol ng Department of Education at Department of Social Welfare and Development sa Regional Rehabilitation Center for Youth.

Ito ang unang beses na mag-aaral ang CICL sa pormal na paaralan sa loob ng rehabilitation center simula nang maitatag ito, 39 taon na ang nakararaan.

Sa mahabang panahon ay nakikisalamuha sila sa tradisyonal na paaralan kahit na nahihirapang makiayon sa mga regular na mag-aaral.

Upang magkaroon ng dekalidad na programa ay nagkaisa ang DepEd at DSWD para mabigyang pagkakataon ang mga CICL na makapagtapos ng pag-aaral at pormal na matuto ng mga araling magagamit nila sa pagsasaayos ng buhay at pagpapaunlad ng sarili.

Ang unang 38 benepisyaryo ay nagsimulang mag-aral noong Oktubre na pulos junior at senior high school students.

“This is the first time that we have an in-house formal class, and we are so happy for this opportunity. Before our CICL attend classes in nearby high schools but it was difficult,” wika ni RRCY Easter Visayas Officer-in-Charge Georgina Bulasa.

Anim na guro mula sa Tanauan School of Arts and Trade ang itinalaga ng DepEd Leyte na magturo sa mga CICL.

At para makapag-adjust ang mga bata, dahil na rin sa matagal na silang hindi nakadadalo sa klase, ay pansamantalang tig-kalahating araw, tatlong beses isang linggo ang interaksiyon nila sa teachers-in-charge.

“This was the recommendation as they were observed and assessed to have difficulties in understanding the self-learning modules,” paliwanag ni Bulasa.