Region

25 PRIVATE SCHOOLS SA NORTH LUZON NAGSARA

/ 21 September 2020

NASA 25 pribadong paaralan sa rehiyon ng Ilocos ang iniulat na nagsara o hindi muna tatanggap ng mga mag-aaral sa paparating na akademikong taon.

Ayon kay Department of Education – Ilocos Region Public Affairs Unit Head and Spokesperson Cesar Bucsit, 16 sa mga paaralang ito ay nasa Pangasinan, 6 sa La Union, 2 sa Ilocos Norte, at 1 sa Ilocos Sur.

Pansamantala lamang umano ang pagsasara at inamin ng pamunuan ng mga paaralang ito na hindi nila kakayanin ang operasyon sa panahon ng pandemya, lalo pa’t mas malaki ang kahingian sa distance, modular, online, blended learning modality ng DepEd.

Ilan sa mga kumpirmadong dahilan ng pagsasara ang napakababang bilang ng enrollment, kawalang kakayanan sa pagsustina  ng blended learning approach, at kakulangan ng mga guro.

Ilang mga estudyante rin ang piniling lumipat sa pampublikong paaralan dala ng pagbagsak  ng ekonomiya. Karamihan sa mga magulang ay nawalan ng trabaho dahil sa Covid19.

Sa ulat ng DepEd Central ay pumalo sa higit 700 na pribadong paaralan ang nagsara sa buong Filipinas.

Samantala, ang DepEd Ilocos, sampu ng iba pang opisina sa buong bansa ay naghahanda pa rin sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Oktubre 5.