Region

22 ESTUDYANTE HINIMATAY SA ‘COLORED SMOKE’

/ 1 June 2023

NASA 22 college students ang hinimatay matapos makalanghap ng ‘colored smoke’ na ginamit sa presentation ng isang grupo ng mga estudyante sa Bacolod City, Negros Occidental.

Ayon sa ulat ng PNP, nasa activity center para sa isang Physical Education culmination event ang mga estudyante ng Bacolod City College nitong Lunes nang malanghap ng mga ito ang colored smoke na ginamit sa props.

Ang mga biktima ay nakaranas ng anxiety attack, nahirapang huminga at nahimatay.

Sinabi ni City Administrator Pacifico Maghari III na pito sa mga estudyante ay dinala sa medical facilities kasama ang lima na isinugod sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital.

Nasa mabuti nang kalagayan ang mga estudyante.

Tiniyak naman ni BCC administrator Johanna Ann Bayoneta na lahat ng mga naapektuhang estudyante ay nabigyan ng first aid treatment.

Napag-alaman na ang presentation na ginamitan ng colored smoke ay bahagi ng final performance para sa grupo ng mga freshmen student na enrolled sa PE classes.

Gayunman, nilinaw ni Bayoneta na hindi pinapayagan sa loob ng campus ang paggamit ng smoke-producing props kasama ang smoke at fog machines.