Region

21 ESTUDYANTE SA BOHOL NAOSPITAL SA ‘FOOD POISONING’

/ 18 February 2023

NASA 21 estudyante mula sa isang pampublikong paaralan sa Loon, Bohol ang naospital dahil sa hinihinalang food poisoning noong Lunes matapos uminom ng buko-gulaman juice na binili sa loob ng eskuwelahan.

Ang mga Grades 5 at 6 na estudyante, na may edad 10 hanggang 13, ng Loboc Central Elementary School ay dinala sa Rural Health Unit at sa klinika ng paaralan para sa checkup at gamot, ayon kay Gheneviev Lawagon, hepe ng Loboc Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.

Ayon kay Lawagon, nagsimulang magsuka at makaramdam ng pananakit ng tiyan ang mga estudyante bandang alas-11 ng umaga pagkatapos ng recess.

Wala namang na-confine dahil bumuti na ang kanilang pakiramdam pagkatapos bigyan ng gamot at pinayagang bumalik sa klase.

Sinabi ni Lawagon na may 26 estudyante ang uminom ng juice ngunit 21 lamang ang nakaranas ng sintomas.

Naghihintay pa rin sila ng opisyal na ulat mula sa RHU upang matukoy kung ang buko-gulaman juice nga ang dahilan ng pagsusuka at pananakit ng tiyan ng mga estudyante.