Region

20 MAG-AARAL SA COTABATO NAPAGTAPOS NG TESDA

/ 14 November 2020

DALAWAMPUNG iskolar ng Technical Education and Skills Development Authority sa Cotabato ang napagtapos nila ng NC II sa Slaughtering-Butchery sa loob ng 35 araw.

Ang national certification training ay libreng ibinigay sa piling mga mamamayan ng lalawigan sa tulong ng D’New Orleans Training Center in the Philippines, Inc.

Bukod sa libreng pag-aaral, nakatanggap din ang bawat iskolar ng P6,000 pinansiyal na tulong para panggastos habang nasa pagsasanay.

Ayon kay TESDA Cotabato Director Norayah Acas, ang iskolarsyip ay naging posible sa pakikipagtulungan ni Governor Nancy Catamco. Si Catamco ang may masidhing pagnanais na patuluyin sa pag-aaral ang mga residente nang sa gayo’y makatulong sa araw- araw nilang paghahanapbuhay, lalo pa’t nahaharap ang bansa sa krisis.

Gayundin, sinabi ni Acas na slaughtering ang indemand na trabaho abroad kaya malaki ang posibilidad na ang 20 TESDA scholars ay makapagseguro ng kontrata sa D’New Orleans – ang katuwang na organisasyon sa nasabing gawain.

Sa katunayan, hindi pa nga natatapos ang 35 araw ay mayroon nang mga kompanyang nais i- empleyo ang lahat ng magsisipagtapos.

Labis na ikinatuwa ni TESDA Provincial Administrator Efren Piñol ang resulta ng pagsasanay kaya pinaplano na nila ni Catamco ang susunod na batch ng mga residenteng tutulungang makamit ang technical skills national certification.