2 SHS STUDENTS PATAY SA MOTORCYCLE ACCIDENT SA ZAMBOANGA
DALAWANG babaeng estudyante ang nasawi habang sugatan ang lalaking driver matapos mawalan ng preno ang motorsiklong sinasakyan ng mga ito sa matarik na bahagi ng Barangay Sta. Maria, Pagadian, Zamboanga City noong nakaraang linggo.
Batay sa report, naganap ang aksidente matapos na bumulusok ang motorsiklo at sumalpok sa isang bahay sa purok 3 ng nasabing barangay. Kinilala ang mga nasawi na sina Teffanie Saipudin at Jonalyn Oliva habang sugatan naman ang driver na si Stanley Abria.
Ang mga nasawi ay kapwa senior high school student ng Zamboanga del Sur National High School. Ayon sa ulat, nagpunta sila sa isang tourist spot at pauwi na nang mangyari ang aksidente.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nawalan ng preno ang motorsiklo habang pababa ito mula sa matarik na bahagi ng barangay na naging dahilan para mawalan ng kontrol ang driver.
Ayon sa may-ari ng bahay, nagulat sila sa malakas na kalabog sa loob ng kanilang bahay saka tumambad sa kanila ang dalawang babaeng estudyante na nakabulagta na sa kanilang sala.
Agad isinugod sa ospital ang mga biktima, ngunit idineklara ring dead on arrival ang dalawang babae. Patuloy pa ring ginagamot ang sugatang driver at patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.