19 LUMAD LEARNERS ISINAILALIM SA STRESS DEBRIEFING
DINALAW ni Philippine National Police Chief, General Debol Sinas ang 19 estudyante ng Lumad School na napaulat na sinagip ng mga tauhan ng Police Region Office 7 noong Lunes, Pebrero 15, mula sa isang retreat house ng University of San Carlos sa Cebu City.
Sinabi ni PNP Spokesman, BGen. Usana na personal na kinausap ni Sinas ang mga magulang ng 19 kabataan na pawang taga-Talaingod, Davao Del Norte at Sultan Kudarat kaugnay sa pagkakasagip sa mga ito.
Nagkaharap sina Sinas at mga biktimang kabataan kasama ang mga magulang ng mga ito sa Camp Sergio Osmena, R. Landon Street, Cebu City kahapon.
Kinumpirma naman ni Sinas na hawak na ngayon ng Department of Social Welfare and Development-Region 7 ang mga kabataan na pansamantalang nanunuluyan sa isang hotel sa lungsod.
Isinasailalim na ang mga bata sa stress debriefing at bahagi ng psycho-social intervention ang planong ipasyal ang mga ito sa mga tourist spot sa Cebu.
Paliwanag ni Sinas na mahalagang pasayahin ang mga kabataan upang maalis ang trauma at masamang karanasan habang nakakulong sa retreat house mula pa noong isang taon.
Sinasabing mula sa Mindanao ay dinala ang mga kabataan sa Cebu City para mag-aral subalit kinalaunan ay napag-alamang sinasanay umano ang mga ito upang maging child warrior ng New People’s Army-Communist Party of the Philippines.
Isang concerned citizen ang nagpaalam sa pulisya hinggil sa pananatili ng 19 kabataan sa retreat house kaya naman sinalakay ito ng pulisya para sagipin.
Magugunitang pinasalamatan ng mga katutubo ang ginawang pagsagip ng pulisya sa 19 kabataan.