1,709 MAG-AARAL BENEPISYARYO NG SPES SA QUEZON PROVINCE
UMABOT sa 1,709 na mga kabataang mag-aaral ang nakatanggap ng benepisyo mula sa Special Program for Employment of Students ng Department of Labor and Employment sa buong lalawigan ng Quezon ngayong taon.
Ang SPES ay ang youth employment-bridging program ng DOLE sa pakikiisa ng mga panlalawigang pamahalaan sa Filipinas na may layuning maghatid ng pansamantalang hanapbuhay sa mga mahihirap na mag-aaral, out-of-school youth, at iba pang kabataang nangangailangan ng pinansiyal na tulong.
Ang SPES beneficiaries ay pinangangasiwaan ng Public Employment Service Offices ng mga pamahalaang panlunsod at pambayan. Partikular sa Quezon ay ang LGUs ng Dolores, General Luna, Infanta, Lucban, Patnanungan, at Sariaya.
Ayon kay Genecille Aguirre ng DOLE Quezon Provincial Office, higit sa P7 milyon ang budget na inilaan nila para sa mahigit isang libong kabataan sa lalawigan ng Quezon. Sapat na halaga ito para mapunan ang inaasahang sahod ng mga estudyante, gayundin para sa kontribusyon sa Government Service Insurance System.
Laking pasasalamat ng mga benepisyaryo ng SPES sapagkat ang naipon nila rito ay magagamit sa pambili ng mga kinakailangan sa paaralan, lalo ngayong online ang modalidad bunsod ng Covid19 pandemic.
Samantala, tatlong bayan at dalawang kompanya ang pansamantalang nag-withdraw ng kanilang partisipasyon sa SPES alinsunod sa Advisory 4-2020 na nagsususpinde ng lahat ng SPES activities sa mga lugar na nasa ilalim pa rin ng Enhanced at Modified Enhanced Community Quarantine.