Region

150 TABLETS IPAMIMIGAY SA AETA LEARNERS SA PAMPANGA

/ 21 September 2020

KINUKUMPLETO na ng Bangketa Eskwela Foundation, Peace Kamp, kasama ang iba pang non- government organizations, ang 150 tablets na ipamamahagi sa mga estudyanteng Aeta sa Porac, Pampanga para sa kanilang pag-aaral simula Oktubre 5.

Dahil sa Covid19 pandemic ay modular distance learning ang natatanging paraan ng Department of Education sa pagbubukas ng klase kung saan hindi na kinakailangan ang pisikal at personal na interaksiyon sa mga klasrum.

May mga module namang inihahanda ang DepEd Pampanga para sa mga Aesta subalit naniniwala ang volunteer teachers na mas magiging maalwa ang pagsusulat, pananaliksik, at pag- aaral ng mga bata kung makadadalo rin sila sa online class at may kani-kaniyang gadget silang maaaring utilisahin sa mga susunod na taon ng pag-aaral.

Sinabi ni Dara Tuazon, founder ng BEF, sa isang panayam, na,  “Alam ko malaking help ito para sa kanila. Lalo na ngayon na online class and kailangan talaga nila ng malaking adjustment and kailangan nilang matutunan ito para hindi sila, parang katulad ng iba, na mapag-iwanan din.”

Bukod sa pag-aasikaso ng tablet donations ay gumagawa rin ang BEF ng mga espesyal na modules para puwedeng mag-advance study ang komunidad, kasama yaong mga matatanda na pero nagnanais pa ring magkaroon ng dagdag na kaalaman.

Diin naman ni PK Founder Samuel Sagun, dapat ay magkaroon ng pantay na oportunidad para sa lahat – unat man o kulot ang buhok.

“Hindi natin papayagan na sila ay maging beggars on their own land. Dapat kung anong opportunities ang available sa mga unat…dapat iyong opportunity ay maibigay rin natin sa kanila,” wika ni Sagun sa isang episode ng GMA Stand For Truth.

Technical Learning Centers ang isa pang proyekto ng PK tungo sa institusyonalisasyon ng isang erya sa Porac na nakasasagap ng malakas na signal ng internet.

10 tablets pa lamang ang nakokolekta ng BEF at PK kaya nangangailangan pa sila ng dagdag na tulong mula sa mga Filipinong may mabubuting kalooban.

Sa mga nais magpaabot, maaaring magbigay ng tulong pinansiyal sa mga sumusunod:

Bangketa Eskwela Foundation (BDO) – 5630475682

Eastwest Bank Account – 200040323235

Bisitahin din ang kanilang mga Facebook Page para sa iba pang posibleng pakikipagkapatiran.