145 ESTUDYANTE NAHILO, HINIMATAY
NASA 145 estudyante sa Occidental Mindoro ang apektado ng matinding init na pinalala pa ng brownout, ayon sa Department of Education.
Sinabi ni Assistant Schools Division Superintendent Rodel Magnaye na pito sa mga estudyante, na pawang taga-San Jose National High School, ang nahirapang huminga na nauwi sa pagkahimatay.
Dalawa sa mga ito ang dinala sa ospital, pero kalaunan ay pinauwi rin.
Sampu sa mga bata ang nakaramdam ng pagkahilo, habang ang iba ay sumakit ang ulo.
Ayon sa opisyal, pinapayuhan nila ang mga magulang na pagbaunin na ang kanilang mga anak. Upang makaiwas sa disgrasya, nagkaroon na ng drinking facility sa mga classroom.
Nagdagdag na rin ng mga electric fan sa mga silid-aralan, kabilang na ang mga solar-powered. Pero, aniya, tila hindi ito sasapat lalo na para sa mga classroom nilang may tig-60 na estudyante.
Inirerekomenda namin na i-limit sa mga paaralan especially during the times na 10 a.m. hanggang 3 p.m. kung kalian mataas ang temperature sa mga paaralan. So meron pong mga outdoor activities sa sikat ng araw, ipinagbabawal namin. Pero ‘yung klase po, puwede nilang gawin sa mga open spaces, sa mga ilalim ng puno, inirerekomenda po namin yan,” ani Magnaye.
Rekomendasyon naman na i-adjust ang pasok ng klase na hanggang 10:30 ng umaga habang ang ikalawang shifting ay simula alas-3:30 ng hapon hanggang may liwanang pa.