Region

1,365 TITSER SA DAGUPAN, PANGASINAN SUMAILALIM SA COVID19 MASS TESTING

/ 25 September 2020

MAHIGIT sa 1,300 guro mula sa mga pampublikong paaralan sa Dagupan, Pangasinan ang sumailalim sa libreng Covid19 mass testing bilang paghahanda sa nalalapit na pasukan sa Oktubre 5.

Ito ay batay sa ulat ni Dagupan Mayor Marc Brian Lim noong Martes, Setyembre 22.

Ayon kay Lim, mayroong inilaang badyet  ang pamahalaang lungsod upang mapaglingkuran ang mga bayaning guro sa panahon ng pandemya.

Nais siguruhin ng kaniyang liderato na naaalagaan din ang kalusugan ng mga guro lalo pa’t ilang buwan na rin silang aligaga sa paghahanda ng mga materyales na gagamitin sa distance, online, modular at digital learning.

“We can accommodate the test, we have a budget for testing. This is the city’s support to make sure that before the teachers go back to the schools, everybody will have peace of mind in terms of the health and safety of the teachers,” pahayag ni Lim sa Philippine News Agency.

Sa Dagupan Villamor Memorial Hospital tumungo ang mga guro para sa libreng mass testing. Gamit ng ospital ang Elecsys anti-SARS-CoV-2 immunoassay test, ang inuutilisa ng DVMH sa sarili nilang reserve transcription-polymerase chain reaction molecular laboratory.

Sakali mang may  gurong magpositibo, sila ay muling isasalang sa RT-PCR swab test para sa kumpirmasyon. Nangako ang pamahalaan ni Lim na tutulungan ang mga gurong mangangailangang magkuwarentena sa susunod na dalawang linggo.

Labis naman ang galak at pasasalamat ni Dagupan School Governance Head Linda Ventenilla sa inisyatibang ito ng pamahalaan. Isa lamang ito sa mga proyektong angkop sa kampanyang ‘safe back to school’ ng ganang lungsod.