13 PUBLIC SCHOOLS SA ZAMBOANGA TARGET GAWING ISOLATION FACILITIES
KINAKAPOS na ang mga espasyong laan ng lokal na pamahalaan ng Zamboanga para sa Covid19 positive patients na nangangailangan ng isolation area sa paglobo ng mga kumpirmadong kaso araw-araw.
Dahil dito ay nilapitan ng lokal na pamahalaan ang Department of Education Region IX upang pansamantalang gawing isolation areas ang 13 pampublikong paaralan sa lungsod kahit na nalalapit na ang pagsisimula ng klase sa Oktubre 5.
Ayon kay Schools Division Office Superintendent Roy Tuballa, nakapaglista na sila ng mga pangalan ng mga paaralang maaaring gamitin bilang pasilidad, sang-ayon sa pakiusap ni Zamboanga City Mayor Maria Isabelle Salazar.
Sinabi ni Tuballa na pinili nila ito batay sa pasilidad – suplay ng tubig, koryente, akses sa transpotrasyon, at iba pang salik.
Gayunpaman, ang Regional Office ng DepEd pa rin, aniya, ang magpapasiya kung ipagpapatuloy ito ngayong napakaraming gawain ng paaralan lakip ng paghahanda sa distance learning, pagpi-print ng mga module, pagsasanay ng mga guro sa online class, at pagmomolde ng mga audio-video presentation sa DepEd Commons at DepEd TV.
“We want to be part of the solution and not part of the problem. Anything we do at this time it boils down to ‘bayanihan’ and Zamboanga City Division will help because nothing is impossible,” dagdag ni Tuballa.