Region

126 BANGSAMORO STUDENTS ISKOLAR NG MINISTRY OF SCIENCE AND TECHNOLOGY

/ 11 January 2021

NASA 126 mag-aaral ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang nadagdag sa listahan ng mga iskolar ng Ministry of Science and Technology.

Ang bawat iskolar ay makatatanggap ng P40,000 para sa matrikula at buwanang allowance na P8,000.

Noong Enero 7 ginanap ang unang batch ng oath-taking ceremony na dinaluhan ng 73 mag- aaral mula sa mga lalawigan ng Maguindanao, North Cotabato, at Cotabato City. Ang seremonya ay pinangunahan nina Bangsamoro Chief Minister Ahod Ebrahim, MOST Minister Aida Silongan, at Education Minister Mohagher Iqbal.

Dumalo rin si Bangsamoro Grand Mufti Abu Huraira Udasan sa seremonya para batiin at hikayatin ang mga iskolar na mag-aral nang mabuti upang makatulong sa pagpapaunlad ng Pamahalaang Bangsamoro ngayong ito’y nasa proseso ng transisyon.

Ayon kay Silongan, ang iskolarsyip ay tugon ng ahensiya para mapataas ang performance ng rehiyon sa larang ng Agham at Teknolohiya.

“This program is a response to the very low performance in Science and Technology Innovation in the region where we are several decades behind in terms of inventions, innovations, and even numbers of science researchers compared to the other regions,” pahayag niya.

Samantala, pinayuhan ni Ebrahim ang mga iskolar na taimtimang manalangin at tahakin ang larang pinakaiibig nang sa gayo’y maging epektibong mga siyentista ng rehiyon at ng buong Filipinas sa hinaharap.

“I encourage you to make full use of this opportunity, to live, love, and dream together; to serve a post-pandemic society, to make lives better for your loved ones, and for the entire Bangsamoro,” sabi niya.

Ang 126 na iskolar ay dumaan sa masusing aplikasyon simula noong Agosto. Pumasa rin sila sa credential verification at academic examination noong Disyembre 2020.

Samantala, ang ikalawang oath-taking ceremony ay itatakda sa mga susunod na linggo, para naman sa mga iskolar na naninirahan sa Lanao del Sur, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.