Region

105 NAGTAPOS SA YOUTH ENTREP PROGRAM NG DTI

/ 8 December 2020

MAY 105 kabataan mula sa Cordillera Administrative Region ang nagtapos sa Youth Entrepreneurship Program ng Department of Trade and Industry.

Ayon kay DTI CAR Director Myrna Pablo, ang YES ay isang programang handog ng DTI para sa mga kabataang nagnanais pumasok sa industriya ng pagnenegosyo. Layon nitong mahasa ang kakayahan nila mula sa pag-iisip ng produkto, pagbebenta, pagsasaayos ng pinansiya at pamamahala ng grupo ng mga tao.

“It supports the government’s growth agenda of doubling the number of the entrepreneurs in the country by 2022, which will in turn broaden the gains of economic development, address inequality and uplift the quality of life of Filipinos particularly the youth,” sabi ni Pablo.

Kasama sa mga araling tinapos ng YES participants ay ang Business Model Canvas, Business Continuity Planning, Website and Video Marketing, at Business Pitching Workshop.

Tig-15 kabataan mula sa Abra, Apayao, Baguio, Benguet, Ifugao, Kalinga, at Mountain Province ang lumahok sa YES na isinagawang on-site at online. Labinlima rin sa kanila ang binigyang- pagkakataong lumahok sa Business Pitch Competition na dinaluhan ng mga katuwang na investor at funding institutions ng DTI.

Ang mga nagwagi sa kompetisyon ay dumaan sa masusing pagsasanay at sila’y tutulungan ng mga investor na maisakatuparan ang naisip nilang produkto at negosyo.

Unang hakbang pa lamang ang pagtatapos sa YES sapagkat paliwanag ni DTI CAR Assistant Director Juliet Lucas, ang 105 na kabataan ay isasalang pa sa regular na programa ng kagawaran para masigurong masusustena ang kanilang mga balak na negosyo.

Gagabayan din sila ng mga eksperto para mapalago ito sa hinaharap.