Region

100 ESTUDYANTE NA-TRAP SA TUMAAS NA ILOG

/ 16 October 2025

HUMIGIT-KUMULANG  100 mag-aaral na pauwi na sana ng kanilang bahay ang na-trap sa biglang pagtaas ng ilog sa Zamboanga del Sur.

Sa ulat ng lokal na tanggapan ng Office of Civil Defense sa lalawigan ng Zamboanga del Sur, kinailangang sa mga silid-aralan na lamang magpalipas ng gabi ang mga estudyante ng Pisompongan Integrated School (PIS), na nasa malayong barangay ng Pisompongan nang magsimulang tumaas ang tubig sa ilog na kailangan nilang tawirin bandang alas-3 kamakalawa ng hapon .

Sa pahayag ni Gideon Goc-ong, ang punong guro ng Pisompongan Integrated School (PIS), dahil sa peligro sa buhay ng may 100 estudyante mula Kindergarten hanggang  Grade 10 ay nagpasya ang kanilang mga guro na huwag nang patawirin pa ng ilog ang mga ito dahil mas magiging  ligtas sila kung mananatili na lamang sa loob ng gusali ng paaralan.

Magugunitang  nakuha ng mga batang estudyante ang atensiyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ilang buwan lamang ang nakalipas dahil sa  viral  video na makikitang tinatawid ng mga  school children ang rumaragasang ilog dahil sa flash flooding .

Bunsod nito,  sa kanyang State of the Nation Address noong July, ay inatasan ni Pangulong Marcos  si Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (Opapru) Secretary Carlito Galvez Jr. na gamitin ang kanyang  Payapa at Masaganang Pamayanan (Pamana) program para magtayo ng tulay sa Barangay Pisompongan.

Ayon kay  Galvez, mabilis naman niyang tinugunan ang utos ni Pangulong Marcos at nakapag -turn over na sila ng P48 million sa P60 million budget para sa nasabing  bridge project nitong  September 29, 2025.

Subalit kakailanganin pa, aniya,  ng apat hanggang anim na buwan para tuluyang makumpleto at maitayo ang tulay.