100 ESTUDYANTE AT OSY SA ILOCOS NORTE BINIGYAN NG TRABAHO
NASA 100 learners at out of school youth na nasa edad 18 hanggang 30 ang binigyan ng pansamantalang hanapbuhay sa iba’t ibang local government offices sa Ilocos Norte.
Sa ulat na nakarating sa The POST, nagsimula nang pumasok sa kanilang trabaho ang mga piling mag-aaral, gayundin ang mga kabataang ‘di nakapag-aral noong Disyembre 9.
Ang programa ay bahagi ng pagpapatuloy ng special program for the employment of students, Public Employment Service Office at ng Ilocos Norte Tourism Office sa ilalim ng pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Norte.
Prayoridad namang binigyan ng hanapbuhay ang kasapi ng mga pamilyang labis na naapektuhan ng Covid19 pandemic upang matulungan ang mga ito sa kanilang mga pangunahing pangangailangan.
“Our SPES today is in partnership with the INTO. There are many applicants but we only have limited slots so we can only accommodate a total of 100 beneficiaries,” ayon kay PESO manager Anne Marie Lizette Atuan.
Sinabi ni Atuan na ang mga hindi napasama sa shortlist ay maaari namang sumubok sa susunod na school summer break.
Sa mga nakalipas na taon, ang mga nakinabang sa nabanggit na programa ay nakapagtrabaho ng 15 araw subalit dahil may pandemya pa rin ay 10 araw lang sila makapagtatrabaho ngayon habang tatanggap sila ng honorarium na P3,400. NICE CELARIO