10 SLOTS SA MEDICAL SCHOLARSHIP PROGRAM BINUKSAN SA HILAGANG SAMAR
NAGSIMULA na ang pamahalaang panlalawigan ng Hilagang Samar na tumanggap ng mga aplikasyon para sa kanilang scholarship program na laan sa mga mag-aaral na nagnanais maging doktor balang araw.
Matrikulang hanggang P100,000, P35,000 na allowance, at P40,000 na badyet pambili ng libro at uniform ang sakop ng naturang iskolarsyip na maaaring matanggap ng 10 kalipikadong aplikante.
Dagdag pa rito’y sasagutin din ng pamahalaan ang bayad para sa rebyu, permit ng medical licensure examination, at dagdag na allowance kung kinakailangan.
Sinumang Filipino na naninirahan sa Hilagang Samar na hindi hihigit sa 35 taong gulang at papasok sa unang taon o kasalukuyan nang naka-enroll sa medical school, ay maaaring magsumite ng kanilang aplikasyon hanggang Oktubre 23.
Ayon kay Northern Samar Governor Edwin Ongchuan, unang beses silang nagkaroon ng scholarship program eksklusibo sa larangan ng medisina. Masusi itong binuo ng pamahalaan sapagkat batid nilang nangangailangan ang probinsya ng mas marami pang mahuhusay na doktor na susugpo sa anumang krisis pangkalusugang gaya ng kasalukuyang nararanasan ng Filipinas.
Kalagayang ekonomiko at kahusayan ng aplikante ang dalawang pangunahing titingnan ng selection committee sa pagpili ng mga paparating na grantee.
Para sa mga interesadong mag-aplay, bisitahin lamang ang Facebook Page ng Northern Samar Provincial Information Office.