TEACHERS’ SALARY SUBSIDY PALAWIGIN SA SENIOR HIGH SCHOOL – COCOPEA
HINILING ng Coordinating Council of Private Educational Associations sa House Committee on Basic Education and Culture at sa Department of Education na pag-aralan ang posibilidad ng pagpapalawig ng Teachers’ Salary Subsidy.
Ayon kay COCOPEA Managing Director, Atty. Joseph Noel Estrada, sakop ng TSS ang mga guro sa Junior High School subalit naiwan ang mga guro sa Senior High School.
Sa ilalim ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education, tumatanggap ng P18,000 na subsidiya ang mga lisensyadong guro sa pribadong paaralan na nagtuturo sa junior high school.
Layon ng programa na hindi na maakit pang lumipat ang mga guro sa pribadong paaralan patungo sa mga pampublikong institusyon.
Sa datos ng DepEd, nasa 51,000 guro sa Junior High School ang sakop na ng TSS program.
Sa pagdinig ng kumite, aminado si Estrada na malaki ang epekto sa kanilang sektor ng ‘migration’ ng mga guro mula sa pribadong paaralan patungo sa mga pampublikong paaralan dahil kadalasan ang natitira sa mga pribadong institusyon ay mga wala pang lisensya at mga katatapos lamang sa kolehiyo.
Aminado naman ang DepEd na magiging problema ang pagkukunan ng pondo kung sasakupin ng programa ang mga guro sa senior high school
Sa puntong ito, sinabi ni Estrada na halos kalahati pa ng nakalaang slot para sa voucher system o sa Educational Service Contracting ang hindi pa rin napupunan dahil sa mababang bilang ng mga estudyanteng nagpatala sa mga pribadong paaralan.
Sinabi ni Estrada na sa halip na ibalik sa national treasury ang pondo para sa hindi napunang slots, maaaring makagawa ng paraan ang DepEd at ang Kongreso na mailaan ito sa ibang pangangailangan.
Sa datos, nasa 1.3 milyong estudyante lamang ang nagpatala sa mga pribadong paaralan habang nasa 400,000 na ang lumipat sa mga pampublikong eskwelahan.