3.5M ESTUDYANTE APEKTADO NG VOG

MAHIGIT sa 3.5 million na estudyante ang naapektuhan ng volcanic smog o vog na nagmula sa Taal Volcano sa Batangas.

/ 22 August 2024

MAHIGIT sa 3.5 million na estudyante ang naapektuhan ng volcanic smog o vog na nagmula sa Taal Volcano sa Batangas.

Ayon sa Department of Education, ang epekto nito ay hindi sa kalusugan kundi ang pagsuspinde sa face-to-face classes sa 44 bayan at lungsod sa Metro Manila at buong Region 4 na nakakasakop sa Calabarzon at Mimaropa.

Nasa 3,586,353 estudyante at 112,791 personnel ang naapektuhan sa 2,967 paaralan sa tatlong rehiyon sa bansa, o dalawa sa Region 4 o Calabarzon at Mimaropa at National Capital Region.

Karamihan sa mga apektado ay mula sa Calabarzon na inabot ng 2.8 milyon, sinundan ito ng Metro Manila na umabot naman sa 730,336 at Mimaropa na nasa 5,922 estudyante.

Samantala, kahapon, August 21, ay kalmado na ang paligid ng bulkang Taal.

Ayon sa Philippine institute of Volcanology and Seismology, wala na ring volcanic smog o vog.

Sinabi ni Phivolcs Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief, Mariton Bornas, bagaman may kaunting usok, maaliwalas ang kalangitan malapit sa bulkan.

“Sa kasalukuyan po, wala naman po tayong namamataang vog mula sa Taal Volcano. Medyo clear po ang skies,” ayon kay Bornas.

Hindi rin, aniya, kasing lala ang air quality ngayong araw noong Lunes at nakatulong ang pag-ulan para mawala ang vog.