YOUNG LEARNERS TARGET SA ONLINE SCAM, LAWMAKER NAALARMA
AMINADO si Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas na nakaaalarma ang pagdami ng mga scam syndicate na nambibiktima ng estudyante na madaling mapaniwala sa iba’t ibang uri ng modus operandi.
Dahil dito, isinusulong ni Vargas ang panukala na isama sa senior high school curricula ang scam prevention education.
Sa House Bill 2180 o ang proposed Scam Prevention Education Act, sinabi ni Vargas na mayorya sa mga kabataan ngayon ay maituturing na tech-savvy at digitally engaged kaya dumarami ang nabibiktima ng mga sindikato, kabilang na ang mga sangkot sa pyramiding, budol budol, black dollar, public housing, investments at online scam.
“Fraudsters are threatening the school community like never before. Not only are they sending malicious emails or online scams, they’re compromising our vulnerable children’s safety right where they’re supposed to feel secure,” pahayag ni Vargas sa kanyang explanatory note.
Batay sa panukala, mandato ng Department of Education, katuwang ang Department of Information and Communications Technology, Philippine National Police, National Bureau of Investigation at iba pang concerned agencies, na bumalangkas ng programa para sa scam education sa senior high school curricula.
Nakasaad sa panukala na saklaw nito ang mga Senior High School sa pampubliko at pribadong paaralan.
“The Constitution declares that it is the state’s policy to serve and protect the people, to prioritize education in order to promote patriotism and nationalism, and to recognize the vital role of communication and information in nation building,” paalala pa ni Vargas sa kanyang panukala.