WORKLOAD NG MGA GURO PINABABAWASAN
KINATIGAN ni Senador Joel Villanueva ang inisyatibo ng Department of Education na bawasan ang curriculum sa basic education upang mas maging epektibo sa pagkatuto ang mga estudyante.
“Magandang initiative po ito ng DepEd pero sa tingin natin, hindi lang po decongestion ang dapat gawin,” pagbibigay-diin ni Villanueva.
“Sa isang pag-aaral ng Philippine Normal University kaugnay sa performance ng Filipinas sa PISA, may mga nakitang ‘gaps’ sa K-12 curriculum. Ibig sabihin, may mga kulang na competencies para makasabay tayo sa ibang bansa,” dagdag ng senador.
Iginiit din ng mambabatas na upang mas maging epektibo ang curriculum ay kailangan ding maisabay sa decongestion ang workload ng mga guro.
“Holistic din po dapat ang pagsasagawa ng curriculum decongestion. Sapat po ba ang kakayahan ng ating mga guro na magturo ng mga most essential competencies sa mga bata tulad ng higher-order thinking skills?” tanong ng mambabatas.
“Para magawa po ito, kailangan din pong i-decongest ang workload ng ating mga guro para makapag-focus talaga sila sa effective teaching. Hindi po puwede na babawasan mo lang ang curriculum without doing anything with the other factors in the system like teachers, learning materials, etc.,” paliwanag pa ni Villanueva.
Binigyang-diin pa ng senador na dapat makasabay ang iba pang sub-sector ng education system sa pag-review ng basic education curriculum.
Ipinaliwang ni Villanueva na kapag binago ang curruiculum sa basic education, dapat may paggalaw din sa curriculum sa higher education lalo pa at ‘spiral’ ang disenyo ng K-12 curriculum.
“Pundasyon po kasi ang basic education sa higher education,” dagdag pa ng senador.