WORK LOAD NG MGA TITSER BAWASAN — LAWMAKER
UMAPELA ang mga kongresista sa Department of Education na bawasan ang trabaho ng mga guro na hanggang ngayon ay hirap sa pag-adjust sa distance/blended learning.
Sa virtual hearing ng House Committee on Basic Education and Culture, tahasang sinabi ni Committee Chairman at Pasig Rep. Roman Romulo kay DepEd Undersecretary Tonisito Umali na tingnan din ang kalagayan ng mga guro na labis na ang pagod sa dami ng kanilang aktibidad.
“Usec. Umali, again ‘yung mga teachers natin I think burdened na sila by distance learning sinasabayan pa raw ng napakaraming seminars and trainings baka dapat pag-aralan ng DepEd kung papaano naman. Hindi naman kaya ng teachers lahat-lahat, sabay-sabay na raw lahat, regular classes sa distance learning and then eto na naman training-training. Kailangan din ng pahinga ng teachers. Usec. Umali, please consider and take up with your department,” pahayag ni Romulo.
Kinatigan ito ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at inihalimbawa pa ang kaso ng ilang guro sa lalawigan ng Cebu na naatasan pang mangasiwa sa deworming.
“Mayroon pa akong isyu kaugnay sa mga non-teaching activity na ibinibigay sa mga teacher. Like sa Cebu baka puwede ring tingnan ng DepEd, nagde-deworming din daw po sila. Deworming during pandemic time. Parang talagang ang dami, dapat i-review ang pinagagawa nila sa mga titser natin,” pahayag ni Castro.
Bukod dito, nakatanggap din ng ulat si Castro na araw-araw ang atas sa mga guro na magsumite ng teachers’ learning achievement.
“Napapagod lang Usec. Umali, parang tayo rin ‘yan kung masyadong iba-iba. Parang ang distance learning is a challenge by itself tapos may training pa sila. Of course gusto nila ng training pero may pahinga rin naman dapat sila. And then, ang non-teaching duties nila baka pwedeng alisin ‘yun,” diin naman ni Romulo.
Nangako naman si Umali na pag-aaralan ang mga aktibidad ng mga guro at ang posibleng ibabawas sa kanilang workload.