WIFI-BASED STATIONS IPINATATAYO SA PUBLIC SCHOOLS
SA GITNA ng paghahanda para sa Academic Year 2021-2022, muling nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian sa telecommunication companies na ipagpatuloy ang pagsisikap sa pagsasaayos pa ng kanilang serbisyo.
Hinimok ni Gatchalian ang mga telecommunication company na magpatuloy sa pagtatayo ng mga karagdagang cell sites para mas mapabilis ang internet connection.
“Patuloy po nating hinihikayat ang mga telcos na magtayo ng cell sites at WIFI-based stations sa bawat public school para mapalawak nag internet access sa bansa,” pahayag ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Sinabi ng senador na dahil unpredictable pa rin ang sitwasyon, dapat paghandaan ang anumang magiging sistemang ipatutupad sa susunod na school year.
At kung magpapatuloy ang distance learning, dapat matiyak na lahat ng estudyante ay magkakaroon ng access sa internet.
“Sa pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pandemya, dapat pagsikapan natin na walang mag-aaral ang mapag-iiwanan dahil sa mabagal na koneksiyon o kawalan ng internet access,” dagdag ng senador.
Ginawa ni Gatchalian ang panawagan matapos ang pakikipag-usap sa mga magulang na nagsabing nahihirapan ang kanilang mga anak sa distance learning.
“Patuloy po nating isinusulong ang pagkakaroon ng mabilis at maayos na internet sa bawat bahagi ng bansa para mas mapadali ang pagkatuto ng mga mag-aaral,” dagdag ni Gatchalian.