Nation

WALANG TATANGGIHAN NA LATE ENROLLEES — DEPED

/ 6 October 2020

BAGAMAN apat na buwan na naghintay ang Department of Education bago tuluyang buksan ang bagong akademikong taon ay inaasahan pa rin nilang tataas pa ang bilang ng enrollees sa mga susunod na linggo.

Ayon kay Education Undersecretary Tonisito Umali, patuloy pa ring tatanggapin ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa ang late enrollees. Nasa memorandum ng DepEd na bawal tanggihan ang sinumang estudyante ng anumang paaralan at nararapat nilang bigyan ng self- learning modules at online classes guide ang lahat ng mga mag-aaral.

Araw-araw ay may nadaragdag na mga estudyante sa bawat Schools Division Offices na tumutulong para maabot ang target enrollment population ng kagawaran.

“Mayroon pa rin pong humahabol, e. Everyday. May mga nadadagdag po bagama’t medyo mabagal ang pagtaas ng numero hindi po katulad noong nagsimula tayo ng enrollment campaign,” sabi ni Umali sa Laging Handa press conference.

Binigyang-diin ni Umali na hanggang Nobyembre ay puwedeng mag-enroll ang mga bata para masaklaw nila ang mandatong 200 araw na attendance sa isang akademikong taon.

Sa kasalukuyan ay nasa mahigit 22.5 milyon na ang nag-enroll sa mga pampublikong paaralan na nagsimula nang pumasok kahapon,  Oktubre 5.

Blended learning ang modalidad ng pag-aaral ngayon kung saan hindi kinakailangan ang face-to-face classes para maiwasan ang pagkalat ng Covid19 virus.