WALANG PASOK DAHIL SA BAGYONG QUINTA
SUSPENDIDO ang mga klase sa ilang bahagi ng bansa ngayong araw, Oktubre 26, dahil sa banta ng bagyong Quinta.
Walang pasok sa lahat ng antas, publiko at pribado, sa mga paaralan sa Maynila, San Juan, Caloocan, Mandaluyong, Albay, Naga, Cavite, Laguna, Batangas, Romblon, Quezon Province, Oriental Mindoro, Marinduque, at Rizal sa Occidental Mindoro.
Samantala, hanggang Martes, Oktubre 27, naman suspendido ang mga klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa lalawigan ng Sorsogon.
Kasama sa suspensiyon ang synchronous, asynchronous, online, modular, at distance learning, ngayong ipinagbabawal ang face-to-face classes bunsod ng Covid19 pandemic.
Maging ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno ay kanselado sa mga lalawigan ng Quezon, Batangas, Camarines Sur, Camarines Norte, Romblon, at Marinduque. Samantala, sa Oriental Mindoro at Albay, pati pasok sa pribadong opisina ay suspendido rin.
Kung susundin ang EO 66, series of 2012, nararapat na magkaroon ng awtomatikong suspensiyon ng klase sa pre-school kapag Signal No.1, hanggang high school kung Signal No. 2, at lahat ng antas kung Signal No. 3.