Nation

WALANG JOBLESS NA GURO SA LOOB NG 9 BUWAN: PAUTANG SA PRIVATE SCHOOLS TINIYAK ‘SA BAYANIHAN 2’

/ 25 August 2020

TINIYAK ni Senador Win Gatchalian na mabibigyan umano ng tulong sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act, o ‘Bayanihan 2’ ang mga pribadong educational institution  na nanganganib na magsara dahil sa mababang enrollees  na epekto ng Covid19 pandemic.

Ayon kay Gatchalian, kasama sa probisyon sa niratipikahang panukala ang pagkakaloob ng loans o pautang sa private schools upang matiyak din ang seguridad sa trabaho ng kanilang mga guro at iba pang school personnel.

Batay sa panukala, ang mga private institution ay maaaring mabigyan ng loans o ng iba pang grants sa kondisyong pananatilihin ang kanilang mga empleyado at walang retrenchment sa loob ng susunod na siyam na buwan simula nang makuha ang loan.

Alinsunod sa Section 4 ng Bayanihan 2, pagkakalooban ng loan assistance, subsidies, discounts o grants ang mga paaralan, unibersidad at kolehiyo, kasama na ang technical vocational institutions para sa pagkakaroon ng information and communications technology devices and equipment na magagamit sa alternatibong paraan ng pag-aaral,  kabilang na ang computers, laptops at tablets.

Bukod sa mga paaralan, maaari ring mag-apply ng loans ang mga guro at estudyante.

Ang mga loan at iba pang subsidiya ay maaaring idaan sa Department of Education, Commission on Higher Education at Technical Education and Skills Development Authority katuwang ang mga government financial institution.

Una nang iginiit ni Gatchalian ang pangangailangan ng tulong ng may 1,000 maliliit na private universities para sa transition sa distance learning.

“Sa ilalim ng Bayanihan 2, hindi lamang natin matutulungan ang ating mga paaralang maipagpatuloy ang edukasyon sa pamamagitan ng distance learning. Mabibigyan din natin ng proteksyon ang mga trabaho ng ating mga guro at kawani sa panahon na ang ating ekonomiya ay humaharap sa isang matinding krisis na dulot ng COVID-19,” pahayag ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Naniniwala si Gatchaian na sa pamamagitan ng pagtulong sa mga paaralan para sa ICT infrastructure ay mapabibilis  ang modernisasyon sa education sector.