Nation

WALANG FACE-TO-FACE CLASSES HABANG WALANG COVID19 VACCINE – SEN. GO

/ 1 December 2020

TALIWAS sa panawagan ng ilang senador, nanindigan si Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go na hindi pa napapanahon para sa face-to-face classes kahit sa mga lugar na walang kaso ng Covid19.

Sinabi ni Go na hindi dapat ikumpara ang pagbubukas ng mga sabungan sa pagbubukas ng klase.

Iginiit ng senador na hanggang walang vaccine ay hindi muna dapat payagan ang pagbubukas ng mga paaralan.

“Hindi po pa panahon huwag nyo pong ikumpara ang klase sa sabong. eh mga sabong sugarol po ‘yun. Ito po mga bata po ito wala pong kamuwang-muwang po ito, pinapag-aral natin, malaki pa po ang kinabukasan ng mga batang ito,” pahayag ni Go.

“So, unahin natin ang buhay ng bawat Filipino, buhay ng bawat kabataan. No vaccine, no face-to-face classes muna, ‘yan po ang aming firm stand ni Pangulong (Rodrigo) Duterte, delikado talaga,” diin pa ng senador.

Ipinaliwanag pa ng mambabatas na kapag nagkahawahan ang mga estudyante ay panibagong contact tracing na naman at kailangang i-trace ang mga estudyante, magulang at kung sino na naman ang nakahalubilo.

“Ang sabong na ‘yan, bahala silang magsabong-sabong sila dahil gusto nilang magtari-tari. Pero ang mga sabungero po hindi pa po safe sa totoo lang, ‘wag muna kayong magsabong, matatari kayo diyan,”dagdag ng senador.

Sinabi pa niya na kung magkaroon ng isang kaso sa paaralan, panibagong problema na naman at sususpendihin na naman ang klase.

“Kapag mayroong isang kaso sa isang lugar dahil doon sa face-to-face class na ‘yun panibagong contact tracing back to zero na naman tayo, basta ‘pag wala pang vaccine, wala munang face-to-face classes, “yan po ang aking stand at mag-iingay ako ‘pag ipatutupad nila ‘yan kung wala pang vaccine,” giit ni Go.