Nation

WALANG CHRISTMAS AT SUMMER BREAKS SA COLLEGE STUDENTS? PUWEDE — CHED CHAIR DE VERA

/ 14 September 2020

NANINIWALA si Commission on Higher Education Chairperson Prospero de Vera III na puwede namang alisin na ang Christmas at summer breaks ngayong akademikong taon para makumpleto pa rin ng mga kolehiyo at unibersidad sa bansa ang kahingian ng mga academic calendar sa panahon ng pandemya.

Ayon kay De Vera, hindi naman na kakailanganin ang breaks lalo pa’t distance learning  ang ginagamit ng lahat ng mga paaralang pangkolehiyo.

Sinabi pa niya na kung kailangan pa ngang mag-aral kahit Sabado at Linggo ay papayagan niya ito.

“You put a Christmas break because students have to go home, they’re not going home. They’re already at home,” sabi ni De Vera sa isang ambush interview habang nasa Lungsod ng Malabon.

Huwag na ring alalahanin ang summer breaks.

“Eh di, tanggalin mo ‘yung summer break, mag- two semesters ka ng school year, no more summer,” dagdag niya.

Nauna nang inihayag ni De Vera na tutol siya sa ‘academic freeze’ at hindi maaaring ihinto ang pag-aaral sa kolehiyo kahit lumalala ang banta ng Covid19. Payo niya sa mga paaralang hindi kakayanin ang online modality, “if you are not ready, huwag magbukas.”

Ilang mga unibersidad ang nagsimula na ng klase noong Agosto, samantalang ang ibang state universities gaya ng Polytechnic University of the Philippines at Philippine State College of Aeronautics ay sa Oktubre 5 pa.

Pinapayagan ng CHED kahit Nobyembre magsimula ang academic year ng mga unibersidad basta sisiguruhin lamang na flexible learning at online methods ang iimplementa upang makaagapay sa instruksiyon ng IATF.