WALA PA RING FACE-TO-FACE CLASSES — PALASYO
MULING nanindigan ang Malakanyang na hindi pa rin papayagan ang face-to-face classes kasunod ng pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbubukas ng klase sa September 13.
Sa televised press briefing nitong Lunes, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na mananatili ang pagpapatupad ng distance learning para sa proteksiyon ng kabataan laban sa Covid19.
“Inaprubahan ng Pangulo ang rekomendasyon ng Department of Education, ang pagbubukas ng klase para sa School Year 2021-2022 ay Sept. 13, 2021,” pahayag ni Roque.
Maging sa mga pribadong paaralan ay hindi rin papayagan ang face-to-face classes bagama’t papayagan silang magsimula nang maaga.
“Maaaring magsimula nang mas maagang klase ang mga private schools at non-DepEd schools provided walang face-to-face classes at ang mga nasabing paaralan ay istriktong magpapatupad ng distance learning,” dagdag pa ng opisyal.
Una nang sinabi ng Punong Ehekutibo na hindi niya isusugal ang kalusugan ng mga estudyante habang hindi lumalawak ang nabibigyan ng bakuna kontra virus.
Sinabi ni Roque na ang pagsisimula ng pilot face-to-face classes sa low-risk areas ay depende sa dami ng mga nabakunahan kaya nanawagan siya sa publiko na makiisa sa vaccination program.