Nation

WALA NANG PERIODICAL EXAMS NGAYONG SCHOOL YEAR – DEPED

/ 18 September 2020

INIHAYAG ng Department of Education na hindi na magkakaroon ng periodic examinations ang mga mag-aaral sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa.

Ayon kay Education Undersecretary Diosdado San Antonio, sa panahon ng pandemya’y magkakaroon ng bagong pokus ang pagtuturo ng mga guro. Ang noo’y pangkalahatang pagsusulit kada tatlong buwan ng pag-aaral ay aalisin na simula Oktubre 5.

“We are dispensing with the periodical exams in our proposed revised policy on assessment of learning,” wika ni San Antonio sa isang interbyu.

Sa halip, palalalimin at pag-iibayuhin umano ang kasanayan ng mga mag-aaral sa pagpoprodyus ng mga pananaliksik, written output, at performance tasks sa kani-kaniyang mga asignatura.

Ang ganitong iskema ng assessment ay pagsusuma ng pinakamahahalagang haligi ng pag- aaral – academic excellence, dignidad, at pagiging-matapat.

Susukatin ng mga written work at performance tasks ang husay ng bawat mag-aaral na may pagtatangi sa ‘multiple intelligence’. Magkakaron ng mga gawaing hindi lamang magdaragdag ng akademikong kagalingan, kundi pati paghahasa ng mga talentong mayroon ang bawat estudyanteng Filipino – sining, awitin, pagsayaw, editing, at iba pang mailalahok sa iba’t ibang lawas ng akademya.

Dignidad at pagiging matapat naman ang mga birtud na mapauunlad ng pag-aalis ng periodic exams. Bukod sa personalized ang pagtatasa ng mga guro sa bawat bata, ang mga isusumiteng sulatin din ay nararapat na hindi nakaw o kopya, bagkus ay nakatutok sa mga repleksiyon kung tunay nga ba silang may natututunan sa mga araling tinatalakay sa bawat sesyon at bawat module.

Para maisakatuparan ang mga nabanggit ay nanawagan si San Antonio sa mga tagagabay at kasama sa bahay ng mga magsisipag-aral sa paparating na bagong taong pampagtuturo: “We are appealing to the parents, grandparents and other significant adults to help DepEd actually reinforce the value of honesty.”

Bagaman marami pang pinaplantsang suliranin at hindi pa 100 percent na handa ang mga kagamitan pampagtuturo, matatag pa rin si Education Secretary Leonor Briones sa pagpapatuloy ng pagbubukas ng klase sa Oktubre 5 – taliwas sa panawagan ng kalakhang populasyon na #AcademicFreeze.